Noong unang dumating ang sasakyan ko, hindi pa ako marunong magmaneho. Hinatid ng Honda Cars Alabang ang Honda City ko sa Ortigas na may odometer reading ng 000075. Ang unang nakamaneho ng kotse ko ay si Eric. Pagkahatid ng Honda, diniretso namin ng Libis kasama si Czar. Nag-Jollibee drive-thru ata kami at bumalik din kaagad sa office.
Kinagabihan, dahil hindi pa ako marunong magmaneho, si Louie ang pinagdrive ko ng kotse. Nagsimula ako mag-aral magmaneho noong linggo ding iyon. Nagbayad ako ng kulang-kulang sampung libo.
**********************************************************************************
Naiyak ako noong una kong nagasgasan ang sasakyan. Nagpa-parallel park ako noon sa masikip na kalye ng Sampaloc. Mabigat ang paa sa clutch at gas, amoy-usok at gasolina na sa kalye, hindi ko pa rin naipaparada nang maayos, hanggang tumama na ang kotse sa gilid ng lansangan . Maraming beses pa iyong nagasgasan dahil may nagsabi sa akin, ”Huwag mo munang ipagawa hanggat hindi ka natututong magmaneho.”
********************************************************************************
Isang araw habang hindi na namamawis ang kamay ko at ang tuhod ko’y kaunti na lang ang panlalambot at wala na rin akong driver/instructor kasabay papasok sa opisina, naglakas ako ng loob na iparada ang sasakyan sa 45-degree inclined parking lot ng aming gusali. Naibaba ko nang maayos. Ang problema, nang ipinarada ko katabi ang bagung-bagong HRV ng expat kong boss, tinamaan ang pintura. Mag ga-pisong parte ng sasakyan nya ang walang shit-orange na pintura.
*********************************************************************************
Isang gabing medyo maulan, papaliko ako ng Greenhills, papuntang Wilson nang may pumina sa akin na isang Isuzu Elf truck. Nakita kong masyado syang malapit habang hinihintay naming mag-green ang traffic lights. Nung mag-go na, may naring akong crack na tunog. Ngunit dahil medyo traffic sa lugar na iyon, normal lang akong nagmamaneho hanggang sinabi ng isip ko,” Nabanggga ka!”. Pareho naming binabaybay ang Cardinal Santos Hospital, sinabayan ko ang bilis ng takbo ng Isuzu, binuksan ang bintana at sabay sigaw,” Nabangga mo ba ako?” Sumagot naman ang drayber kasama ang pahinante nya ng ,” Hinde”. Pag-uwi ko, may malaking crack ang front headlights.
***********************************************************************************
Rush hour. Traffic na naman. Galing akong Honda, o kung saan man mula sa Ortigas at binabaybay ko ang Shaw Blvd. Sa harap ng Lourdes Hospital may isang truck na may kargang mga steel at nagmamaniobra. May isang lalakeng sumesenyas na huwag tumuloy upang makadaan sila. Dumire-diretso ako habang kausap ko ang katabi ko sa sasakyan. Hindi ko namalayan na hindi pala ako dapat dumiretso, naisip ko na lang yun nang makarinig ako ng mura paglampas ko. Mayamaya, naramdaman ko na lang na mayroong humahagibis na sasakyan at ilang saglit pa’y katabi ko na. Nang masipatan ako, ang sabi ng pahinante sa driver, ” Pare, babae pala.” At hinayaan na nila akong mauna. Nagkunwari akong walang narinig...
*********************************************************************************
Text: Armi, alam mo ba ang route from Makati-Mandaluyong bridge papuntang Shaw?
Armi: Oo
Text: Marami bang hanging na daan doon?
Armi: Hmn...meron pero hindi naman ganoon kadami..
Text: Ahhh..di bale na, maaga naman ako aalis para wala pang masyadong sasakyan...
Armi: Hehehe
********************************************************************************
Company driver to Armi: O, anong gagawin mo kapag naflat- tire ka?
Armi: Ahm, papalitan ko ng spare tire?
Company driver: Marunong ka bang magpalit?
Armi: Hinde nga eh..(sabay ngiti)
Company driver: Ano ang dapat mong gawin kung hindi ka marunong magpalit ng flat tire pero naflat-an ka?
Armi: Tawagan si Manuel?
Company driver: Tumawag ka ng taxi. Yung taxi driver ang magpapalit ng spare tire mo. Bayaran mo na lang ng mga 150, ayos na yon.
Armi: Oo nga no? Ang galing mo.
*********************************************************************************
Monday:
A: Asan ang kotse mo ngayon?
I: Ay coding ako eh. Nagpahatid ako kay Arnel.
Tuesday:
A: Coding ako, pano tayo magkikita? Pwede mo ba ako sunduin?
I: Hindi ko dala kotse ko eh, hiniram ng kapatid ko.
Wednesday:
A: Uy, asan kotse mo ngayon? Pasakayin mo naman ako, hindi pa ko nakakasakay na ikaw nagda-drive?
I: Nakay Arnel ang kotse ko e. Kasi coding sya ngayon. Hinatid nya ako tapos bukas susunduin nya naman ako.
Thursday:
A: Asan ba ang kotse mo?
I: Nasa baba nasa parking, susunduin ako ni Ate Monique ngayon eh.
Friday (at 2 years after na tinigilan na naming magtanong):
I: What do you think Armi, ibenta ko na lang kaya ang sasakyan ko no?
***********************************************************************************
Si April ay girlfriend ni Chichi. Si Cha ay girlfriend ni Buboy. Magkapatid si Buboy at Chichi. Isang hapon habang pareho silang nasa mansion nila Buboy sa King’s point at ang magkapatid ay nagba-basketball, nagpaturo si April magdrive kay Cha. Ayun, at ang dalawa ay nasa malawak na kalye nagpa-praktis magmaneho nang biglang may narinig na malakas na sigaw. Bumangga sa poste ang sasakyan.
***********************************************************************************
Si Dinah ay Toyota Revo ang minamaneho. Dahil marami kami, napagkasunduan na sa kanya sasakay papunta sa Cafe Ysabel. Si Dinah ay division manager na, at ilang taon na ring nagmamaneho pero parang kinakabahan. Kasama kasi namin si Sam, at umupo ito sa harap. Nakapwesto na kami, pero meron pang mga hindi nakasakay at iniurong nya ang Revo upang ang iba ay makasakay sa likuran. Nakataas ang pinto sa likod at pasakay na si Cathe pero pinaaandar na ni Dinah ang Revo. Sabay-sabay kaming nagsigawan, at nagtawanan. Sabi ni Sam,” It’s just me.Don’t be nervous!” Pero parang kabayo na umaangal ang andar ng sasakyan (nasa parking lot pa lang kami). Buti na lang si Cathe na ang nag-volunteer magmaneho, parang taxi driver kung magmaneho ang babaeng ito eh. Nagtatawag pa nga ng pasahero sa Edsa, animoy collorum ang sasakyan. Hindi naman nagtataka ang ibang mga pasahero na babae ang nagtatawag. May mga sasakay nga pagsabi nyang,” Cubao! Cubao! Anim pa ang kasya”
***********************************************************************************
Si Jane ay 4’11” na Pilipina na nag-asawa ng 6’5” na Amerikano. Noong tinuturuan sya ng asawa nyang mag-drive sa kalye sa Amerika, may mga kalye doon na walang traffic lights pero may STOP sign, kagaya sa Subic. Dahil wala namang ganoong mga sign sa Manila o sa San Pedro, Laguna, tinanong ni Jane ang asawa, ” Honey, what does that sign mean?” Inexplain ni Jim na kailangang huminto for road safety, kahit na walang pulis o traffic lights sa paligid. Follow up question ni Jane, “ Hmn..is that optional?” Parang Starbucks, pwedeng with hazelnut ang cafĂ© mocha. Hahaha.
**********************************************************************************
No comments:
Post a Comment